Entry: In Love Daw Ako?! Tuesday, September 27, 2005



Sabi nila sa akin... "In love ka na 'tol! Aminin mo na!"

Ako??? In love? Hindi nga?! Paano naman nila nasabing in love ako? AKo ma-i-in love? Imposible yata yun! E bato na ang puso ko eh, di na ito mapapalambot ninoman. Kaya ayang mga kaibigan ko, wag na nila akong hiritan ng in love in love na yan, at wa epek lang sa akin yan!

Nitong mga nakaraang buwan, hinihintay hintay ko at kinapapanabikan ang mga araw na magkikita kami. Para akong tangang nag-e-ensayo ng mga linya ko para lang makausap ko siya ta sa tuwing nariyan na siya, natatameme na ako at nalilimutan ko lahat ng mga sasabihin kong ilang beses kong pinagpraktisang gawin. Kinuntsaba ko pa ang aking kaibigan na bantayan siya. Obserbahan ang kanyang bawat kilos at galaw para magkaroon ako ng kaalaman tungkol sa kanya. Hinanap ko pa nga ang page niya sa friendster at sa bawat araw na mag-o-online ako ay hindi ako pumapalyang tingnan iyon ng isa, dalawa, tatlo at misan ay di ko na malaman kung ilang beses ko itong tinitigan at binasa. Gumawa pa nga ako ng blog para sa kanya, para lang mailabas ko lahat ng katorpehan ko. Napasugod pa nga ako sa may Laong-laan kahit masama ang panahon dahil sa isang text niya lang na kung pwede daw manghiram ng cap ko, ni hindi nga ako nagkaroon ng lakas ng loob noon para harapin siya. Paano ba naman, ang tomboy ng get up ko nun!

Noong nakaraang buwan, para akong baliw na nagbibigay sa kanya ng sulat. Napapraning kung pagdududahan niya ba na ako ang nagbibigay ng sulat? Napapraning na baka mahulog ang loob niya doon sa kunya-kunyariang karakter na aking binuo. Madalas ay hindi ako makatulog kakaisip sa kanya. Pag mulat ng mata ko, para siyang multo na bumubulaga sa aking mga mata. Sa ganoong simpleng mga bagay, hindi ko namalayan na nakapasok na pala siya sa aking sistema.

Nitong mga nakaraang araw, halos hindi na maalis sa akin ang saya. Parang bahagi na ng araw-araw na routine ng buhay ko ang maging masaya. Inaabangan ko ang mga text niya. Nagmumukha na akong tanga sa bahay sa kakatawa kapag magkatext kami. Bago pumunta sa duty, isip ko ng isip ng magandang dahilan sa tuwing may dala akong pasalubong sa kanya. Sa bawat pag-uusap naman na huling-huli na siya, pero kakambyo nanaman. Ang mga kamay niyang malambot at masarap hawakan. Ang mga mata niyang nakakatuwang titigan. ANg mga tawa niya dahil sa mga jokes kong corny. Ang mga sandaling mangiyak-ngiyak na kami pareho sa kakatawa. Ang mga kapraningan ko na baka nabasa na niya ang friendster ko at nalaman na niya ang sikreto ko. At ang pinakaimportante, ang kasiyahan ko sa tuwing makikita ko siya, sa tuwing nariyan siya na malapit sa akin.

Nitong nakaraang linggo, nalaman ko na ang kasagutan sa aking mga katanungan. Siya ang aking bukambibig, sinoman ang maka-usap ko, palagi ko siyang nababanggit. At noong huling duty natin para sa buwan ng Setyembre, doon ko napatunayan... Doon ko nalaman... Doon nasagot ang mga tanong ko... Kung ano man ang mga pangyayari nun, akin na lang yun! Babalikbalikan ko kapag wala akong magawa! Haha! In love na nga ba ako? hmmm... OO eh!

   0 comments

Leave a Comment:

Name


Homepage (optional)


Comments