Entry: nalalapit na... Monday, October 10, 2005



Nagsisimula na akong malungkot. Huling linggo na ito ng pagsasama natin sa duty. Noong una, nakakainis ang sked natin dahil umaga. Parang hinahanap-hanap ko yung mga gabing tawa lang tayo ng tawa at pinipilit kitang paaminin na patola ka. Pero di nagtagal natapos na din yun. Itong buwan na ito, tatlong linggo lang tayong nagkasama sa duty. Pero tulad na dati masaya pa rin. Mas tumagal ang mga oras na magkasama tayo dahil naglalakwatsa pa tayo tuwing hapon.

Itong buwan na ito, ewan ko kung paano, pero ngayon ko napatunayan kung asan ka na sa buhay ko. Ayokong tanggapin, ayokong ilabas sa bibig ko, pero naramdaman ko. At patuloy kong nararamdaman. Masaya ako sa tuwing magkasama tayo. Sa mga simpleng bagay na ginagawa mo, masaya din ako. Ayoko ng maputol ang mga sandali kapag magkasama tayo. Gusto ko kapag sinasandalan mo ako. Gusto ko kapag tumatawa tayo. Gusto ko kapag bigla ka na lang mangingiliti. Kapag sa duty, palagi tayong pareho ng ginagawa para magkasama tayo. Hindi ka naman brutal pero, ok lang sa akin na bigla ka na lang nanghahampas at nanununtok, di naman masakit eh! Gusto ko kapag nagbubulungan tayo at bigla na lang tatawa. Mga eksena sa sasakyan sa tuwing kinikidnap ka namin.

Natutuwa ako kapag sinusundot ko ang tenga mo at aamuyin ko ang daliri ko. Nahihiya ka kaya hahawakan mo ang kamay ko para di ko na amuyin ito. Kaya sa biyahe, palagi tayong magkahawak kamay. May mga sandaling tawa tayo ng tawa tapos bigla na lang matitigilan at tatahimik. Mga sandaling gustong-gusto ko ng aminin sa iyo, pero natatakot ako.

Natutuwa ako kapag nagtitigan tayo ng lokohan. Ewan ko, di ko naman sinasadyang titigan ka, pero napapatanga na lang ako kapag katabi kita. Parang magnet, bigla na lang ako lilingon sa iyo at tititig. Noong isang araw nung nasa gilid tayo ng Bahay ng Alumni, nag-aasaran at idinikit mo ang ulo mo sa ulo ko. Gaga ka! Muntik na kitang halikan nun! Kung hindi lang ako magaling magpigil, kahit may tao dun nahatak na kita! E di naka-first kiss ka ng wala sa oras! Haha! Kahit hirap na hirap na ako sa pagpipigil, di ko pa rin itinuloy, natakot kasi akong mailang ka sa akin eh.

Noong isang araw sa duty, sabi mo mahilig ako sa sad songs dahil malungkot ang buhay ko. Malungkot pero palaging nakangiti, paano pa kaya kung masaya? Paano pa kaya kung in love ako. Di mo ba alam na in love na ako? Gaga ka rin eh! Di mo alam na kaya ako pinagtatawanan ng mga kaibigan ko ay dahil palagi akong nakangiti. Kapag magkatext tayo ay tumatawa ako mag-isa. Para daw akong baliw... Kapag kasama ko sila, ikaw ang bukanbibig ko. Kwento ako ng kwento tungkol sa iyo. Noong nagkita-kita kami ng mga UP friends ko, ikaw ang sinasabi ko habang tumatawa ako. Hay... In love daw ako. Ang sarap ng feeling! Sana di na matapos pa... Kung pwede lang.

Madalas, may mga bagay akong gustong gawin para sa iyo, pero di ko magawa kasi di naman kita jowa. Madalas, nag-aalangan ako kung gagawin ko ba itong bagay na ito o hindi? Dahil magkaibigan lang naman tayo... May naisip nga akong ibigay sa iyo sa Biyernes pero nag-aalangan ako... Ang hirap ng lagay ko. Hindi ko alam kung magiging kaibigan ba ako sa iyo o susundin ko yung mga bagay na naiisip ko...

Kahapon, natatakot na ako. Hindi ko na alam ang gagawin ko... Ito na ang huling linggo natin sa duty. Next sem, maging magkaklase man tayo ay maliit na ang chance na maging magka-group tayo. DI ba malakas ka kay God? Hilingin mo naman na magkasama pa rin sana tayo...

Hindi ko na alam ang gagawin ko. Sasabihin ko na ba sa iyo? Aamin na ba ako? Ano kayang maging reaksyon mo kapag umamin na ako? Ano kayang mangyayari sa ating dalawa kapag umamin na ako sa iyo? Kung hindi ko naman gagawin, baka mawala ka na... Baka maging gaya ulit ng dati tayong dalawa. Hindi nag-uusap, hindi nagkakasama, wala lahat...

Sabi ng mga kaibigan ko, wag na muna daw. Wag udlutin ang pasibol pa lang... Ang sabi ko naman, paano kung ito na talaga ang huli? Paano kung hindi na tayo magiging magkasama sa duty? Paano kung wala na, paano kung hanggang text na lang tayo?



   0 comments

Leave a Comment:

Name


Homepage (optional)


Comments